Alas-diyes na ng umaga. Madilim ang ulap, tila babagsak ang ulan. Nagmamaneho ako nang bigla kang tumawag sa cellphone ko.
"Pare, nasa'n ka na, ikaw na lang ang hinihintay," pinagmamadali mo ako sa pagmamaneho ko.
Lubhang kay bilis nga ng panahon. Dati ay napakamahiyain mong tao. Hindi ka nga makaporma sa crush mo noon e, kaya nagpapagawa ka sa akin ng sulat. Lagi kang nagtatanong ng tamang panliligaw. Akala mo kasi ay eksperto na ako sa ganyang bagay, dahil mabilis kong napasagot ang syota ko noon. "Sige," sabi ko, "Seatmate ko naman siya e, ilalakad kita." At naging kayo nga. Tuwing ihahatid mo siya sa kanila, gusto mo ay kasama ako, para may kasabay ka naman pag-uwi mo.
"Sandali na lang, medyo traffic dito e," pinaghandaan ko ang araw na ito, pero hindi ko alam kung bakit late pa rin ako. Hindi ko lang siguro maiwasang gunitain ang ating pagiging magkabarkada, ang ating pagiging matalik na magkaibigan.
Nagsimula iyon nang sumali tayo sa training ng CAT, magkabarkada na tayo noon, pero hindi tayo malapit sa isa't isa. Naalaala ko 'yung mga panahong sabay tayong umuuwi sa bahay na puno ng putik ang damit, pati na rin ang pagsabit natin sa dyip dahil sa hiya natin sa mga kasabay natin.
Naaalala mo pa ba nang piringan ang ating mga mata? Pinalo ka ng kung anong bagay sa binti mo, hawak ko ang kamay mo noon, hindi kita binitiwan, kahit nasasaktan ka sa mga latay ng kahoy sa binti mo. Nalagpasan natin ang mga pagsubok. Nakuha ko ang mataas na posisyon, ngunit kahit na mababa ang naging ranggo mo, hindi ka nagreklamo. Naging masaya ka para sa atin.
Iyan ang naging simula. Hindi na ako sumabay sa service ko tuwing uwian dahil lagi na tayong sabay umuwi. Kahit nakasabit sa dyip, ayos lang. Dahil alam ko, mas masaya pag magkasabay tayo. Nagsasabihan tayo ng mga problema - sa relasyon, sa pamilya, sa pag-aaral. Ikaw ang naging hingahan ko sa problema ko sa aking ama.
Lagi tayong dumadaan sa Burger Machine, o kaya ay Mister Donuts para lang bumili ng pagkain, at magkwentuhan. Kahit na ginagabi ako ng uwi dahil sa practice ng org, hinihintay mo ako. Sa gabi ay itinatakas ko ang sasakyan namin, naglilibot tayo sa buong bayan para maturuan mo ako sa pagmamaneho. Masaya tayo sa ating pagkakaibigan, kahit na may iba pa tayong mga kabarkada at kahit hindi ka namin ka-section.
Pero minsan mo na rin akong iniwanan. Hindi ko alam kung bakit bigla ka na lang hindi sumabay sa amin sa pagkain, pati na rin sa pag-uwi. Kinumpronta kita, sinabi mo sa akin na gusto mo namang sumama sa mga kaklase mo dahil nagtatampo sila sa iyo. Hindi ko alam kung bakit mo sinabi yun, hanggang ngayon ay palaisipan sa akin ang tunay mong dahilan. Kung hindi pa ako gumawa ng paraan, hindi ka na siguro sasama pang muli sa barkada.
Dumating ang graduation natin, alam ko na masaya ka para sa akin, dahil sa mga parangal na tinanggap ko sa entablado. Natatandaan ko pa nga ang sulat mo sa akin. Naiyak ako nang basahin ko iyon. Lubos kang nagpasalamat sa mga masasaya nating lakad: pagkain sa Wendy's, pag-stroll tuwing itatakas ko ang sasakyan namin, pagbo-bowling, pagbibilyar, pati ang tulungan sa panliligaw at pagpapa-cute, nandoon na. Nakita ko rin ang tuwa nang malaman mo na pumasa ako sa tatlong unibersidad na pinagsulitan ko. Pero nakita ko rin ang lungkot sa iyo.
"Sana engineering na lang ang kunin mo," sabi mo.
"Gusto ko kasing maging doktor," wika ko naman.
Pagdating ng kolehiyo ay nagkahiwalay na tayo. Sa pinakaprestihiyosong pamantasan ako nakipagsapalaran, ikaw naman ay sa iba. Kahit naman ganoon ay nagkakausap pa rin naman tayo. Pero madalang na. Lubha akong nanibago. Kaya rin siguro hindi ako nagtagumpay sa una kong kurso. Natatandaan mo ba nang pumunta ako sa iyo at umiyak dahil bumagsak ako sa Math17?
Dumating ako sa simbahan. Hanggang tainga ang ngiti mo nang makita mo ako. Pumila ako sa entourage, at saka naglakad sa gitna. Magkatabi tayo sa altar habang hinihintay mo ang mapapangasawa mo. Hindi siya ang niligawan mo noong high school pa lang tayo. Siya ay naging kamag-aral mo sa kolehiyo.
Naging magka-org kayo. Mula sa panliligaw hanggang sa pagsagot niya ay ikinuwento mo sa akin. Pati ang pagkawala ng inyong mga pagkabirhen. "Pare grabe, ganoon pala iyon! Nanginginig nga ang tuhod ko," sabi mo. Nakakatawa ka ngang magkwento e, para kang hayok! Ipinagmayabang mo pa nga na lagi ninyong ginagawa iyon kapag walang tao sa bahay nila. Inaya mo na rin ako sa bahay nila, ipinakilala mo ako sa kanya, "Best friend ko," sabi mo.
Nagulat ako nang minsang mag-text ka. "Pre, nsan k?," "ppsok ako s skul, bkit?," "me prblema ako, mbgat," Pagkabasa ko noon ay kinutuban ako, pero biniro pa kita. "huhulaan ko, bntis sya ano?"
Hindi ako nagkamali. Naguluhan ka dahil hindi pa kayo tapos ng pag-aaral. Tinanong mo ako kung dapat ba ninyong ipalaglag ang bata, pero dahil na rin sa mga payo ko sa iyo, hindi mo itinuloy. Mabuti na lang, dahil napaka-cute ng inaanak ko. Ako nga ang una mong tinext nang ipanganak siya.
"Pre, lalake, kmukha ko!," Tinanong mo pa ako ng magandang pangalan. Pinintasan ko ang gusto mong pangalan, pero ikaw pa rin ang nasunod.
At ngayon nga, ikakasal na kayo. Naayos din ang lahat. Pinasalamatan mo ako dahil sa mga pagtulong ko sa iyo tuwing nagigipit ka. Wala naman sa akin iyon, dahil pati ako ay natutulungan mo. Masaya ka nang araw na iyon, masaya na rin ako para sa iyo. Ngunit may malungkot na bahagi ng puso ko.
Marami tayong mga lihim na pinagsaluhan. Pati nga kulay ng brief natin alam na natin dahil sa pagiging malapit natin. Kabisado na kita, pero ako ang hindi nagsasabi sa iyo. Pero siguro nga ay tama lang ang ginawa ko. Para na rin sa pagkakaibigan natin, at ayaw ko ring mag-iba ang tingin mo sa akin. Alam ko kung gaano mo ako hinangaan. Ayokong magbago iyon. Hinangaan din naman kita e, ngunit sa ibang paraan. Pilit kong itinago ang damdamin ko, dahil alam ko na mali ito.
Gayunman, masaya pa rin ako para sa iyo. Alam ko na kahit paano, ako pa rin ang best friend mo. Ako ang pinagsabihan mo ng mga importanteng bagay na nangyayari sa iyo. Lagi mo akong isinasama sa mga magagandang pangyayaring nagaganap sa buhay mo. Alam kong matagal ka na ring nagtatanong sa akin at nagtataka kung bakit matapos kong mapasagot ang girlfriend ko at maghiwalay kami ay wala nang sumunod sa kanya. Akala mo ay mapili ako.
Mas mabuti na nga sigurong ganoon ang paniniwala mo. Isa kang malaking bahagi ng buhay ko, at alam ko, na isa ka sa mga dahilan kung bakit ako naging ganito. Huwag kang mag-alala, kapag tunay ko na ngang nahanap ang sarili ko, makakalimutan ko rin ang nararamdaman ko. At ikaw ang unang makakaalam ng pagbabago sa buhay ko, dahil ikaw pa rin ang pinakamatalik kong kaibigan.
***